Exalting Jesus in ACTS
How to Discern the Will of GodScripture: Gawa 1:12-26
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS
Gawa 1:12-26
12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lunsod. 13 Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus. 15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may 120 kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.” 18 Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo. 20 Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan, at huwag nang tirhan ninuman.’ Nasusulat din, ‘Ibigay sa iba ang kanyang tungkulin.’ 21-22 Kaya't dapat tayong pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.” 23 Kaya't pumili sila ng dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maging apostol na gaganap sa tungkuling tinalikdan ni Judas nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.” 26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ang nadagdag sa labing-isang apostol.
Pangunahing ideya ng pag-aaral:
Ang unang pangunahing pangyayari pagkatapos ng pag-akyat ni Jesus, ay nang ang mga apostol at ang mga disipulo ay nagtipon upang pumili ng kapalit ni Judas, na marami ang itinuturo tungkol sa kung papaano malalaman ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay.
Outline ng ating pag-aaral:
I. Choosing Judas’s Replacement (1:12-26)
II. Make Decisions in View of God’s Plan of Redemption.
A. What are the immediate ramifications for the gospel?
B. What are the eternal ramifications for the gospel?
III. Distinguish between God’s Revealed Will and God’s Concealed Will.
IV. Start with God’s Revealed Will.
A. Trust the Bible as your authority.
B. Let the Bible interpret your life.
C. Do what the Bible says.
V. Look for God’s Concealed Will through the Lens of God’s Revealed Will
A. Gather all the information.
B. Seek God in prayer.
C. As you trust in God’s sovereignty, make a decision and go with it.
Alam ko na maraming pagkakataon sa buhay natin ang dumaan kung saan ay may mga dapat tayong pagdesisyunan, malaki man o maliit. Pero maaaring hanggang ngayon ay tinatanong parin natin sa tuwing may desisyon tayong ginagawa kung ano ba ang kalooban ng Diyos sa mga desisyong ito. Minsan nahihirapan tayo kasi ang mga pagpipiliin natin sa desisyon natin ay nakikita nating pwede silang pareho na tamang piliin. Halimbawa kung ang manliligaw mo ay parehong Kristiyano at alam mo na tama na Kristiyano ang dapat mong piliin. Sino sa kanila ang kalooban ng Diyos? At mga tulad pa na ganitong desisyon ang nagpapahirap sa atin na malaman ang kalooban ng Diyos. Maaari rin namang may mga kakilala ka ngayon na nahaharap sa mga malalaking desisyon sa buhay. May mga desisyon kung mag-aampon ba ng bata. Ang iba naman ay may pinagdedesisyonan kung magpapalit ba ng trabaho ngayong taon o lilipat sa ibang lugar. Iba naman ay nag dedesisyon kung anong kurso ang kukunin at saan mag-aaral. Iba naman ay nagdedesisyon kung bibili ba ng kotse, lupa’t bahay o business. Iba naman ay nagdedesisyon na kung magpapakasal na ba sila. Ang iba naman ay inaalam kung gusto ba ng Diyos na iwan ang lahat at mag misyon sa ibang lugar. At ang mga listahang ito na mga posibleng pagdesisyonan ng mga tao ay nagpapatuloy.
Karamihan sa atin ay ginagawang mas kumplikado ang pagtuklas sa kalooban ng Diyos! Pero dapat nating malaman na gusto ng ating Ama na malaman natin kung ano ang Kanyang kalooban patungkol sa mga importanteng desisyon natin sa buhay, kaya nagbigay Siya ng gabay sa Kanyang Salita. Pagkatapos ni Jesus na umakyat sa langit, ang Kanyang mga taga-sunod ay nangangailangan na malaman kung sino ba dapat ang magpupuno ng apostolic office na binakante ni Judas, na nagpakapamatay pagkatapos niyang ipagkanulo si Jesus.
Ang paraan ng pagharap nila sa desisyong iyon ay makabuluhan sa dalawang kadahilanan: meron itong malaking epekto para sa hinaharap ng kaharian ni Kristo, at nagbibigay ito ng isang kapaki-pakinabang na modelo sa kung papaano hinarap ng Kanyang mga taga-sunod ang isang mabigat na desisyong ito. Ang dalawang bagay na ito ay dapat magkasama - ang pag-alam sa kalooban ng Diyos sa paggawa ng desisiyon at ang pagdedesisyong isinasa-alang-alang ang tingin sa pagsulong ng kaharian ni Kristo. Simulan natin ang pag-aaral dito:
I. Choosing Judas’s Replacement (1:12-26)
Nakita natin nakaraan na ang layunin ni Lucas sa pagsulat ng aklat ng Lucas at Gawa ay para itala ang mga detalye patungkol sa totoong buhay at ministeryo ni Jesus at maging ang mga unang kaganapan sa mga unang iglesya. Habang pinakita ni Lucas na ang mga Kristiyano ay natatag sa makasaysayang pagkabuhay na mag-muli ni Kristo, pinakita rin niya na ang mga nagpapahayag o mga saksi ng muling pagkabuhay ay mga mapagkakatiwalaan. Pagkatapos ipako at mamatay ni Jesus, ang Panginoong Jesus ay, “nagpakita sa kanila at pinatunayan Niyang Siya'y talagang buháy. Siya'y nagpakita sa kanila at tinuruan Niya tungkol sa paghahari ng Diyos.” (Gawa 1:3). Inutusan sila ni Jesus na, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi Ko na sa inyo.” (Gawa 1:4). Kaya ang mga disipulo at mga apostol, kasama ang nanay ni Jesus at ang Kanyang mga kapatid, ay sumunod at bumalik sa Jerusalem para maghintay at manalangin (Gawa 1:12-14). Ang buhay ng mga taong ito ay nabago ng dahil sa tagpo nila kay Jesus, at silang lahat ay nakatuon sa Kanya at sa Kanyang misyon.
Sa talata 13, nabasa natin na nilista ni Lucas ang mga pangalan ng labing dalawang apostol, ito ay para tulungan ang mga makakabasa na maunawaan ang napipintong pagsasalita ni Pedro sa talata 16-22. Nagtalaga si Jesus ng labingdalawang apostol, na tumutugma sa labingdalawang anak na lalaki ni Jacob, na mga pinuno ng mga tribo ng Israel. Para kay Pedro, ang bilang ng apostol na labindalawa ay dapat ibalik, tulad ng tunay na Israel na kumpleto. Ang Israel ay biglang pumasok sa isang bagong panahon sa kasaysayan ng pagtubos. Dahil dito ang labing-isang apostol ay pumasok sa itaas na silid at nagkasundo sila kasama si Maria at ang mga kapatid ni Jesus habang sila ay, “nagsasama-sama sa pananalangin.” (Gawa 1:14). Makikita natin sa mga susunod na kapitulo ng Gawa kung papaano pinakita ni Lucas ang kahalagahan ng panalangin sa buong aklat ng Gawa.
Sa talata 15-16 ay makikita na sinulat ni Lucas ang tagpo na kung saan si Pedro ay tumayo at nagsalita mula sa aklat ng mga Awit patungkol sa kalooban ng Diyos sa pagtataksil ni Judas at ang utos ng Diyos kay Judas na mapalitan. Matapos ang muling pagkabuhay ni Jesus, napagtanto ni Pedro na ang lahat ng Kasulatan ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Kaya ito yung makikita nating halimbawa kung papaano ang mga apostol ay malinaw na nakasentro kay Jesus sa kanilang interpretasyon sa Banal na Kasulatan. Laging Christ-centered. Sinipi o ginamit ni Pedro yung sa Awit 69:25 at 109:8, para ilapat niya ang hatol ng gumawa ng awit sa isang masamang tao bilang naulit na pangyayari sa panahon nila – na literal na nangyari sa kapalaran ni Judas kaysa sa mga kalaban ni David. Basahin natin yung sinipi niyang talata sa Awit:
Awit 69:25
“Mga kampo nila sana ay iwanan, at walang matira na isa mang buháy.”
Awit 109:8
“Ang dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay, kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.”
Tulad ng mga taksil na lalaki na binabanggit sa Awit 69 at 109 na tumanggi sa pagkakaibigan at pagpapala ni Haring David, ganito din ang nakitang ginawa ni Judas sa pakikipagkaibigan at pagpapala ng Hari na si Jesus na kanyang tinakwil.
Binigay ni Pedro ang mga kwalipikasyon para sa ipapalit na apostol. Ang kwalipikasyong kanyang binigay na makikita sa talata 21-22 ay, “Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa Siya ay iniakyat sa langit.” Nakita natin nakaraan na ang Kristiyanismo ay itinatag sa makasaysayang pagkabuhay na muli ni Kristo, kaya dapat na ang mga unang nagpahayag ng muling pagkabuhay ay dapat na mapagkakatiwalaan at may alam.
May dalawang disipulo ang pasok sa kwalipikasyon, ito ay si Jose at si Matias. Kaya ang mga apostol at mga disipulo ay nagsimulang manalangin sa Panginoon para alamin kung ano ang kalooban Niya sa desisyong kanilang gagawin (talata 24-25). At sa talata 26, “Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ang nadagdag sa labing-isang apostol.”
II. Make Decisions in View of God’s Plan of Redemption.
Bago ang lahat gusto kong ilinaw na ang pangunahing dahilan kung bakit ang kwentong ito ay nasa Bibliya ay hindi upang matulungan tayo kung papaano malaman ang kalooban ng Diyos. Pinapaalam nito sa atin ang tungkol sa kung papaano kumilos ang kapangyarihan ng Diyos upang ang misyon ay sumulong. Gayunpaman, merong makikita tayo dito tungkol sa pag-alam sa kalooban ng Diyos. At isa sa gusto ko unang makita natin dito ang halatang aral na dapat nating gawin, na ang ating mga desisyon ay dapat ayon sa paglalahad ng plano ng pagtubos ng Diyos. Kung alam mo na ang dahilan kung bakit pa tayo nabubuhay sa mundong ito ay dahil para sumulong ang misyon na pagtubos ni Jesus sa mga tao, then makabuluhang sabihin na ang bawat desisyon na haharapin natin ay dapat masagot ang tanong na, “ang desisyon ko bang ito ay makakatulong para ang misyong iniwan ni Jesus sa pag-abot sa mga tao ay mangyari?”
Sa pagpuno sa iniwang puwesto ni Judas, ang mga unang Kristiyanong ito ay sumagot sa ilang mga katanungan na mahalaga na tanungin din natin sa ating sarili sa anumang oras na haharap tayong muli sa pag-alam ng kalooban ng Diyos sa ating mga desisyong kinahaharap. Tignan natin ang mga katanungang ito:
A. What are the immediate ramifications for the gospel?
Ano ang mga agarang epekto nito para sa ebanghelyo? Ang kahulugan ng salitang apostol ay, “isang isinugo.” Itinatag ni Jesus ang pormal na katungkulan para makapagtalaga ng ilang mga kalalakihan na maaaring isugo upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo na may supernatural na kapangyarihan. Ang kanilang papel ay mahalaga para sa agarang pagsulong ng ebanghelyo pagkatapos ng pag-alis ng Panginoon sa mundo. Sabi nga kanina sa nakita natin sa talata 21-22 na ang mga apostol ay ang mga saksing nakakita at nakapagmasid sa buhay ni Jesus at makakapagkumpirma sa Kanyang muling pagkabuhay. At sila ang mga tinatawag nating firsthand-learners – o mga disipulo – na maaaring tumpak na makapagbabahagi ng Kanyang turo. Ang Kanyang mga salita sa gayon ay magiging matibay na pundasyon kung saan itatayo ang iglesya. Sabi sa Efeso 2:19-22,
“19 Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa Kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Jesus. 21 Sa pamamagitan Niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa Kanya, kayo man ay kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.”
Sa pagpuno sa pwesto ni Judas, kinilala at pinahalagahan ng iglesya ang pangangailangan para sa nasabing pagpapatotoo ng mga saksi sa ebanghelyo sa mga susunod na araw pagkatapos ng pag-alis ni Kristo.
Ang formal apostolic office na ito ay makikita na talagang unique, hindi ito maaaring palitan ang papel na ginagampanan ng labingdalawang lalaking ito. Wala silang magiging mga pormal na hahalili sa kanilang mga pwesto dahil wala nang ibang mga nakasaksi na tulad nila ang maaaring lumabas pagkatapos nilang mamatay. Pero itong mga sinaunang Kristiyano ay nakita natin na talagang may concern sila sa agarang pagsulong ng ebanghelyo. Kaya ang hamon nito sa atin na ito ay dapat din na makitang totoo sa ating mga Kristiyano ngayon patungkol sa pagharap natin sa bawat desisyon na haharapin natin sa buhay sa pagtimbang kung papaano ang bawat pagpipilian o sa alin man sa pagpipilian ay ang makakatulong o hahadlang sa ebanghelyo.
B. What are the eternal ramifications for the gospel?
Ano ang mga walang hanggan na epekto nito para sa ebanghelyo? Talagang kailangan na mapunan ang iniwang pwesto ni Judas at para din sa layuning ikalalawak ng kaharian. Sinabi ni Jesus sa labingdawalang apostol na magkakaroon sila ng natatanging papel sa darating na kaharian ng Diyos. Sinabi ni Jesus sa Mateo 19:28 at Lucas 22:28-30 na hahatulan nila ang labindalawang tribo ng Israel. Sa pagpuno nila sa pwesto ni Judas, kinilala at pinahalagahan ng iglesya ang natatanging papel ng mga apostol. Meron silang mahalagang gawain na dapat gawin. Dahil dito makikita natin ngayon na ang bawat desisyon natin ay mahalaga. Ang tanging mga pagpipilian ay maaaring magkaroon ng walang hanggang epekto.
III. Distinguish between God’s Revealed Will and God’s Concealed Will.
Bahagi ng kalooban ng Diyos ay nakasulat sa black-and-white. Ibig sabihin na mahalagang makilala natin ang pagkakaiba sa kalooban ng Diyos na hayag at sa kaloobang hindi malinaw o itinago. Ang mga mananampalatayang mababasa natin sa chapter 1 ay alam ang ilang bahagi ng kalooban ng Diyos dahil alam nila ang Kasulatan. Alam nila na may apostolic office, at alam nila na kailangang mapunan ang nabakanting pwesto ni Judas dahil ito ang sabi ng Diyos.
Ang pangunahing lugar kung saan natin makikita ang kalooban ng Diyos ay makikita sa mga pahina ng Biblia. Sa Kanyang Salita hinayag na Niya ang lahat ng mahahalagang bagay na dapat nating malaman patungkol sa pagtubos sa atin. Ibig sabihin nito hindi na tayo dapat mag-isip pa kung kailangan pa o mag tanong o pagdesisyonan pa kung kailangan ba nating makilahok sa pagdidisipulo, sa pagdalo sa mga gawain, manalangin, magbasa ng Bibliya, mamunga, mahalin ang mga hindi kaibig-ibig, paggiging tapat sa iyong asawa, o pag tulong sa mga ulila. Lahat ng ito ay malinaw na inihayag na ng Diyos. Meron ako dating kinabilangan na grupo sa iglesya na nagtatanong pa sa Diyos kung kailangan ba nilang dumalaw sa may sakit o nakakulong sa pamamagitan ng kanilang pagbabasa ng Bibliya. Kapag wala silang nabasa na dapat itong gawin hindi nila ito gagawin. May isa pa na kasama din nila na nag share sa small group nila na nagtanong sya sa Diyos kung ano yung kalooban ng Diyos sa kung papaano nya gagamitin ang perang kanyang nakuha kung ito ba ay ipangbabayad niya sa utang niya o hindi. At sinabi niya na hindi sya nag bayad kasi wala daw siyang nabasa sa Bible reading niya na dapat daw siyang mag bayad, kahit na malinaw sa Salita ng Diyos na masama ang hindi nagbabalik ng hiniram sa kapawa. Awit 37: 21, “Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa.” Ang lahat ng iyon at marami pa ay parte ng mga malinaw na nahayag na kalooban ng Diyos sa Bibliya. Magkakaroon tayo ng kompiyansa na ang pag-habol sa mga bagay na iyon ay laging mabuting bagay na dapat gawin. Kaya importante na laging pagbulay-bulayan ang Salita ng Diyos araw at gabi. Josue 1:8, “Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.”
Hindi lahat ng mga malinaw na kalooban ng Diyos na nahayag sa Kanyang Salita ay natutupad para sa partikular na indibidwal. Gaya nalang nitong nangyari sa ating pinag-aaralan. Alam na nila na dapat mapunan ang pwesto ni Judas, pero hindi nila alam ang pangalan o sino ang ipapalit sa kanya para maging apostol. Ang detalye na iyon ay itinago at hindi tiyak, at sila ay responsable sa pagtuklas nito sa pamamagitan ng pagdarasal at matalinong pagkilos. Hindi tinatago ng Diyos ang pagkakakilanlan ng taong iyon sa kanila, at alam nila na may pinili na Siyang tao na pupuno sa pwestong ito. Gawa 1:24-25, “Pagkatapos, sila'y nanalangin, ‘Panginoon, alam Ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po Ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang Inyong pinili upang maging apostol na gaganap sa tungkuling tinalikdan ni Judas nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.’” Pero kailangan nilang kumilos sa proseso ng paghahanap ng kalooban ng Diyos sa kung sino sa kanila. At ang kanilang mga karanasan ay nagtuturo sa atin ng mga importanteng prinsipyo.
Alam natin ang pag-aasawa ay kinasangkapan ng Diyos para sumalamin sa ebanghelyo. Ngunit kailangan natin malaman kung sino yung specific na mapapangasawa mo. Alam natin na dapat tayong magsikap at hindi maging tamad, ngunit hindi natin alam palagi kung aling trabaho ang nais ng Diyos na kunin natin o aling degree ang dapat nating kunin. Tayo ay responsible sa pagtuklas ng bagay na iyon. Dapat nating gawin ang gawain ng paggawa ng maayos na mga pagpipili. Ngaun saan tayo magsisimula sa maayos na pagpili sa mga desisyong dapat gawin?
IV. Start with God’s Revealed Will.
Maraming mga Kristiyano ang nag-uubos ng maraming oras at lakas sa pag-alam sa kung ano ang mga kalooban ng Diyos na hindi hayag habang hindi pinapansin ang karamihan sa Kanyang mga kalooban na malinaw na nahayag. Gaya ng nakita nating naging problema ng mga disipulo ni Jesus sa nakaraan nating pag-aaral na balisa na malaman kung kailan ang kalooban ng Diyos sa muling pagtatag sa Israel habang kinakalimutan nila ang mahalagang gawaing naihayag na sa kanila ng malinaw na dapat nilang gawin. Kaya muli silang pina-alalahanan sa pagiging saksi nila at sa pagmimisyon.
Hindi ba makatuturan na gugustuhin ng Diyos na bigyan muna natin ng priyoridad at pansin ang mga bagay-bagay na inihayag na Niya sa mga pahina ng Banal na Kasulatan? Bakit Niya sasabihin sa atin kung saang college tayo mag-aaral o kung sino ang ating mapapangasawa kung wala naman tayong interes sa pagdidisipulo o pamumuhay na may kabanalan? Ang mga mananampalataya sa Gawa 1:12-26 ay nagpakita ng pagtitiwala at katapatan sa Banal na Kasulatan na kung saan sa huli ay nakita at nalaman nila kahit ang hindi hayag na kalooban ng Diyos. At gagana din itong mga kaparaanan na ito para sa atin. Tignan nating ang mga prinsipyong ito.
A. Trust the Bible as your authority.
Makikita natin sa binasa natin sa Gawa 1:12-26 na ang iglesya ay nag pasakop ng kanilang buhay, mga pangyayari, at direksyon sa Salita ng Diyos. Makikita natin na tinipon ni Pedro sa talata 16, ang 120 na mga mananampalataya at nagsimulang nagsabi sa kanila na, “kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan…” Ang buong Kasulatan ay mapagkakatiwalaan. Ang iglesya ay kumikilos ayon sa katotohanan ng Banal na Kasulatan.
Pagkatapos ay tinukoy ni Pedro ang Banal na Kasulatan na, “ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas” (talata 16). Pinapakita ng pahayag na ito ang inspirasyon ng Banal na Kasulatan. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng tao na ginamit na magsulat. 2 Pedro 1:20-21, “20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makakapag-paliwanag ng alinmang propesiya sa Kasulatan sa sariling kakayahan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
Kaya tignan ninyo yung makikita nating patotoo ng mga mananampalata sa Berea sa Gawa 17:11, “Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. Wiling-wili silang nakikinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinasaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya.” Makikita natin na ang lahat ng kanilang aral at paniniwala ay buhat lamang sa Salita ng Diyos at wala na sa kahit saan pa. Kaya iyan ang sinisikap natin na kung wala sa Bibliya hindi natin dapat paniwalaan. Kapag may aral tayong napakinggan tignan natin kung makikita ba na nakalagay iyon sa Biblia. Kaya nga Sola Scriptura o Scripture alone ang iglesya natin.
Tulad ng mga sinaunang iglesya, mapagkakatiwalaan natin ang Biblia sa paggabay sa ating buhay. Mahirap gumawa ng desisyon at mas mataas ang tiyansang makagawa ng maling desisyon kung malayo ka sa Salita ng Diyos. Kaya mas maglaan tayo ng oras sa pagbabasa’t pagbubulay-bulay nito sa araw-araw.
B. Let the Bible interpret your life.
Makikita natin sa talata 18-19 ang tungkol sa naging kapalaran ni Judas – ang kakila-kilabot na katangian ng pagkamatay ni Judas. Si Mateo ang nag-ulat ng uri ng kamatayan niya - “Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.” (Mateo 27:5). At sa kanyang pagkakabigti sinabi ni Lucas ang kakila-kilabot na nangyari sa kanyang katawan – “Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka.” (tal. 18). Ang mga disipulo ay malamang nalito at nabigla tungkol sa kapalaran ni Judas sa nahayag na plano ng Diyos, kaya binanggit ni Pedro ang sa Awit 68:25 at 109:8 para matulungan silang magkaroon ng kahulugan ito. Ang mga bahagi ng awit na ito ay tumutukoy sa mga masama at taksil na mga kalalakihan na laban sa hari ng Diyos. Kinuha at ginamit ni Pedro ang hatol ng nagsulat ng awit na ito at inilapat kay Judas, na masama at taksil sa Hari ng Diyos.
Si Pedro at sa iba pang disipulo, makikita natin na ang Salita ng Diyos, ay nailapat at naibigay nila ang wastong interpretasyon at pananaw sa nakakalito at nakakagulat na mga pangyayari. Tulad ng mga disipulo, tayo rin minsan ay may panahon na nag-struggle tayo na maunawaan ang plano at kilos ng Diyos sa ating mundo at sa ating buhay. Napapa-isip tayo sa magandang buhay na tinatamasa ng mga masasama at pagdurusa ng mga matutuwid. Gayunpaman, tulad ni Pedro, tayo din dapat ay tumingin sa Banal na Kasulatan upang magkaroon ng kahulugan ang ating mundo at ang ating buhay. Sa Biblia ay patuloy nating matutuklasan ang tamang pananaw, katotohanan, tagubilin, at ang kagandahan ng ating Tagapagligtas.
C. Do what the Bible says.
Nakita nating unang nagtalaga si Jesus ng labindalawang apostol, na tumutugma sa mga pinuno ng tribo ng Israel. Para kay Pedro, ang bilang ng mga apostol na labindalawa ay dapat ibalik dahil ang totoong Israel ay kailangan na maging kumpleto. Ang Israel ay pumasok ngayon sa isang bagong panahon sa kasaysayan ng pagtubos.
Nais ng Diyos na unahin natin at bigyang pansin ang Kanyang inihayag na. Ginawa na Niyang malinaw sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita na magkakaroon ng labindalawang apostol (Mateo 19:28; Lucas 22:30; Pahayag 21:10, 12, 14), at ang mga apostol ay gumawa ng mga pagpipilian at umaksyon agad. Tulad nito marami ring bagay na malinaw nang inihayag ng Diyos sa atin sa Kanyang Salita, tulad ng pag-atas Niya sa atin na mamuhay ng banal, pakikibahagi at pagtulong sa gawain ng iglesya, at ang mahalin at paglingkuran ang asawa at ang ating pamilya. Ang mga tulad pa nito ay ang malinaw na tagubiling binigay na ng Kanyang Salita na dapat nating gawin.
V. Look for God’s Concealed Will through the Lens of God’s Revealed Will.
Kanina nakita natin na kung merong mga malinaw na nahayag na nakalooban ng Diyos meron din namang mga hindi hayag o tagong kalooban ng Diyos. Ang concealed will o hindi malinaw na kalooban ng Diyos ay dapat na kilalanin natin batay sa Kanyang nahayag na nakalooban. Ang Salita ng Diyos at ang nahayag na misyon ay ang syang dapat na humubog sa ating mga desisyon tulad ng sa kung saang lokal na iglesya tayo magiging parte, anong bahay ang bibilihin nyo, kung sino ang papakasalan ninyo, at ang iba pang tulad nito. Minsan nalalaman natin na ang tanong na hinahanapan natin ng sagot ay hindi rin pala iyon ang tamang tanong. Kaya isaalang-alang nating ang mga hakbang na ito sa pagtuklas ng concealed will ng Diyos.
A. Gather all the information.
Nakita na natin kanina na nagbigay si Pedro ng mga kwalipikasyon mula sa Salita ng Diyos para sa kapalit na apostol (Gawa 1:21-22). Kaya ginawa ng mga apostol ang kanilang takdang-aralin sa paghahanap ng mga potensyal na kandidato at nakakita ng dalalawang pasok sa kwalipikasyong ito: sila ay sina Jose at Matias (Talata 23). Gayundin sa pagtuklas ng kalooban ng Diyos na mas detalye, dapat nating gawin din ang ating takdang-aralin, sa pangangalap una ng mga impormasyon upang mas mapakitid ang ating mga pagpipiliian.
B. Seek God in prayer.
Ang mga apostol ay nanalangin sa Panginoon patungkol sa kung sino kina Jose at Matias ang Kanyang pinili. Tulad nila, pagkatapos natin magawa ang takdang-aralin, dapat tayong manalangin sa Panginoon para sa karunungan tungkol sa aling pagpili ang pinakamahusay. Habang binigyan tayo ng Diyos ng isip at ng kapangyarihan ng pangangatwiran, ang Kanyang mga paraan at pamamaraan ay madalas na imposibleng maunawaan. Sa madaling salita, dapat tayong mapaalalahanan na hindi natin nakikita ang mga bagay sa kung papaano ito nakikita ng Diyos. Sabi nga sa 1 Samuel 16:7 na ang mga tao ay humuhusga lamang sa pamamagitan ng panlabas na anyo, ngunit hindi ang Panginoon dahil sa puso Siya tumitingin. Kaya hanapin Siya sa panalangin.
C. As you trust in God’s sovereignty, make a decision and go with it.
Matapos nilang matukoy ang mga kwalipikasyon at manalangin, “Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ang nadagdag sa labing-isang apostol.” (Gawa 1:26). Ang palabunutan ay pangkaraniwan na sa Israel. Makikita natin na inatasan ng Diyos ang mga Israelita na hatiin ang mga lupa batay sa palabunutan (Bilang 26:55; 33:54; 34:13; 36: 2). Parang kakaiba ito sa atin, pero sa aklat ng Kawikaan ay may sinasabing ganito, “Isinasagawa ng tao ang palabunutan, Nguni't ang buong pasiya niyaon ay sa Panginoon.” (Kawikaan 16:33). Sa pagkakataong ito si Matias ang napili, at sa mga alagad ay naiintindihan nila na ito na si Matias ang itinalaga ni Kristo mismo. Gayunpaman, ito na ang huling pagkakataon na ginamit ang kaparaanang ito sa paggawa ng desisyon na makikita sa Kasulatan at hindi na natin ito dapat gawin pa para malaman kung ano ang kalooban ng Diyos. Bakit? Ilang sandali lamang matapos mahirang si Matias ay nakita natin na ang Banal na Espiritu ay dumating na at nanahan sa mga mananampalataya. Ang Banal na Espiritu na nasa ating mga mananampalataya ay ang Siyang tutulong sa atin na gumawa ng matalinong pagpapasya.
Kapag tayong mga Kristiyano ay naunawaan natin ang kahalagahan ng ating tungkulin sa pagbabahagi ng kaligtasan sa iba, kapag mayroon tayong pang-unawa sa mga inihayag na nakalooban ng Diyos, kapag natipon na natin ang mga kailangang impormasyon upang mas mapakitid ang pagpipilian, kung tayo ay nanalangin, dapat lamang na magtiwala tayo sa Diyos, magpasya, at harapin natin ang pasyang iyon.
Alam ng Ama kung talagang hangarin natin na kalugdan Siya sa isang desisyon, at kung hindi naging tama ang pinili, hindi nito mababago ang Kanyang pagmamahal sa atin! Nahayag na sa Krus ang tapat Niyang pagmamahal sa atin. Roma 5:8, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.” At binigyan Niya tayo ng Banal na Espiritu para tiyakin sa Kanyang mga anak ang Kanyang pagmamahal (Roma 8:9-17). Manangan tayo sa Magandang Balitang ito kapag nahaharap tayo sa isang mabigat na desisyon. Minsan sinusubukan natin na bigyang kaluguran ang Diyos pero minsan ay nakakagawa tayo ng maling desisyon sa kabila ng hangarin nating ito, pero hindi nabago nito ang pagmamahal Niya sa atin. 2 Timoteo 2:13, “Kung tayo man ay hindi tapat, Siya'y nananatiling tapat pa rin.” Nalulugod Siya dahil sa hangarin natin na mabigyan natin Siya ng kaluguran kaya huwag tayong malungkot kung minsan ay nagkamali tayo ng desisyon sa kagustuhan nating mabigyan ng kaluguran ang Diyos.
Kung ikaw ang tinatawag na perfectionist, mags-stuggle ka sa paggawa ng mga desisyon. Pero huwag mong hayaan na pamahalaan tayo ng pagkabalisa. Pag-aralan nating magtiwala sa pagmamahal ng Ama at pag-aralang magtiwala sa sovereignty ng Ama. Gawin ang iyong takdang-aralin, manalangin, humingi ng patnubay sa mga kapatiran, at hayaan na ang misyon ang gumabay sa iyong mga desisyon, at pagkatapos ay kumilos. Gawin ito para sa kaluwalhatian ng ating Ama, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
__________________________________________________
Discussion
PAG-ISIPAN:
1.
Ano ang ilang malalaking desisyon sa buhay na kailangan mong gawin? Paano ka matutulungan ng mga
pahayag na ito na makagawa ng mga pagpapasya sa mga
iyon?
2.
Ipaliwanag ang pinagkaiba ng “God’s revealed will” at ng “God’s concealed will.” Papaano tayo
matutulungan ng mga nahayag na nakalooban ng Diyos sa
pag-alam sa mga hindi malinaw na kaloob Niya?
3.
Masama ba na gawin pa natin sa panahon natin sa paggawa ng desisyon tulad ng ginawa nila na palabunutan para malaman ang kalooban ng
Diyos? Bakit? At papaano nakakatulong sa atin
ngayon ang Banal na Espiritu na malaman ang kalooban ng
Diyos
PAGSASABUHAY
1.
Sa pagdedesisyon na dapat mong gawin ngayon, ano ang dapat na laging isaalang-alang at isama sa
plano mo?
2.
Ano ang sa tingin mo na malinaw na kalooban ng Diyos sa buhay mo na gusto Niyang gawin mo ngayon?
PANANALANGIN:
Ipanalangin
ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan tayo ng Diyos na maipamuhay ito.
3.
Masama ba na gawin pa natin sa panahon natin sa
paggawa
ng desisyon tulad ng ginawa nila na
palabunutan
para malaman ang kalooban ng Diyos?
Bakit?
At papaano nakakatulong sa atin ngayon ang Banal
na
Espiritu na malaman ang kalooban ng Diyos
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento